Thursday, April 14, 2011

Pagbabalatkayo ng Nestle

"Pagbabalatkayo ng Nestle"
by Horacio Paredes, ABANTE, 14 April 2011
(Original article available online here)

"Kumpirmado umanong dalawang mataas na opisyal ng dambuhalang Swiss multinational company, Nestle Philippines Inc. (NPI), ang palihim na pumuslit palabas ng bansa matapos silang sampahan ng mga kasong kriminal ng dalawang Pinoy distributor.


Ang bigating duo ay sina dating NPI chairman at CEO Doreswamy Nandkishore at ex-Chief Finance Officer Peter Nozcek. Sa puntong ito, malinaw na naisahan tayo ng mga Swiso. Hindi kaya dapat panagutin din ang mga NPI officials na nagsabwatan upang makaeskapo ang dalawa?


Umano, si Nandkishore ay hinila pabalik sa Nestle, Switzerland samantalang si Nozcek ay nire-assign sa Amerika. Kasama sila sa mga criminal case na inihain laban sa higanteng food and beverage company na kailan lamang ay nagdiwang ng kanilang 100th year sa ating bansa. Sa mga press release, ipinagmamalaki ng kumpanya ang pagiging bahagi ng tahanang Pilipino sa loob ng 100 taon sa pamamagitan ng mga de-kalidad na produkto at magagandang serbisyo sa ating mga pamilya.


Subalit tila iba ang ipinapakita nila sa publiko at ang kanilang pakikitungo sa mga lokal nilang ka-partner sa negosyo tulad ng Forefront II Trading Corp. (FDI 2) at Service Edge Distributor Inc. (SEDI) na matagal na umano nilang iniisahan. Ito ang pinag-ugatan ng problema na nauwi sa demanda.


Isa sa mga patung-patong na hinaing ng grupong Pinoy ay ang pakikipagsabwatan at pakikipagrelasyon ng babaeng area sales manager (ASM) ng NPI sa dating presidente ng FDI 2. Ang relasyon ng dalawa ang sinasabing naging dahilan ng pagkalugi ng Forefront. Upang umano sumikat ang babae at lumaki rin ang kanyang komisyon, walang puknat na order ng mga produktong Nestle ang ginawa ng naturang FDI 2 president na humantong pa sa pagiging Distributor of the Year ng kumpanya sa dalawang magkasunod na taon - 2005 at 2006.


Ang malungkot at kagulat-gulat nito ay nang busisiin ang mga libro ng kumpanya, lumabas na ang laki ng lugi nito dahil ibinibenta pala sa presyong palugi ang mga paninda. Inireklamo nila sa NPI ang immoral conduct ng ASM dahil ang pagpasok niya sa relasyon sa pinuno ng FDI 2 ay salungat sa Code of Ethics ng Nestle. Ang masakit nito, ang reklamo nila ay hindi inaksyunan ng Nestle hanggang tuluyan nang nabangkarote ang FDI 2. Ang dahilang binigay ng NPI ay ang relasyon ng dalawa ay walang kinalaman sa kumpanya at pawang gawain lamang ng consenting adults.


Ang isa pang reklamo ng mga Pinoy partner ay ang hindi pagbabalik sa kanila ng milyun-milyong pisong dapat nilang matanggap tulad ng kanilang mga paluwal sa pag-promote ng mga produkto ng Nestle, withholding tax, pasahod sa mga extra personnel at iba pang mga bayarin. Imbes umanong tulungan, bagkus ay ini­pit pa ang Forefront at pinayuhan pang i-resign na lang nito ang pagiging distributor ng Nestle.


Binantaan pa umano sila na pati ang kontrata ng sister company nitong SEDI ay babawiin din kung hindi sila susunod sa kagustuhan ng multinational. Dahil kapit sa patalim at nalulugi nga ay napilitan silang pumayag. Para naman may masabing consuelo de bobo, binayaran umano sila ng kaunti subalit pinapirma naman sila ng isang quit claim na nagsasaad na tapos na ang pananagutan sa kanila ng NPI, na hindi naman totoo.


Dagdag pa ng grupo, minamandohan din daw sila ng NPI na ibenta ang mga produkto kahit sa presyong palugi para patayin daw ang kumpetisyon, bagay na lalo nilang ikinalugi sa dahilang hindi nila kinayang mabawi ang mga gastusin nila para sa gasolina, trucking, taxes at loan interest. Ang direktibang ‘yun ng NPI ay ang tinataguriang predatory pricing.


Dahil sa mga demandang isinampa sa kanila, mukha yatang mahuhubaran ng maskara ang tila doble-karang multinational. Balatkayo at pakitang-tao lamang ang lahat ng sinasabi nilang corporate social responsibility o pagtulong sa mga komunidad na panay ang labas sa media. Nahaharap sila ngayon sa kasong unfair trade practices, perjury, offering false testimony in evidence at predatory pricing sa Makati at Quezon City. Bantayan din sana ang kasalukuyang CEO ng NPI na si John Miller at baka makaalpas din ito tulad nina Nandkishore at Nozcek.


* * *


Basahin ang aking mga kolum sa www.duckyparedes.com/blogs. Mag-email sa duckyparedes@yahoo.com."

1 comment:

  1. Subalit tila iba ang ipinapakita nila sa publiko at ang kanilang pakikitungo sa mga lokal nilang ka-partner sa negosyo tulad ng Forefront II Trading Corp. (FDI 2) at Service Edge Distributor Inc. (SEDI) na matagal na umano nilang iniisahan. Ito ang pinag-ugatan ng problema na nauwi sa demanda.

    luxury bed sheets ,
    double fitted sheet ,

    ReplyDelete