by Horacio Paredes
Abante, 03 September 2011
(Original article available here)
"Tila nagbunga na rin ang pagsisikap ng dalawang kumpanyang Pinoy na mabigyan ng katarungan ang pagmamalabis at pang-aaping dinanas ng mga ito sa kamay ng isang dayuhang multi-national.
Lumabas na rin ang Resolusyon ng Office of the City Prosecutor ng Quezon City tungkol sa mga kasong isinampa ng Service Edge Distribution, Inc. (SEDI) at ng FDI Forefront II Trading Corporation (FDI 2) laban sa Nestle Philippines, Inc.(NPI).
Ang kaso ay tungkol sa predatory pricing na ipinatutupad ng Nestle kaugnay ng pagbebenta ng iba’t ibang produkto nito. Sa ilalim ng mga patakaran ng Nestle Philippines, ang mga distributor ng kumpanya ay hindi maaring magbenta ng mga produkto sa presyong labas sa idinidikta ng Nestle, kahit na maging dahilan ito sa kanilang pagkalugi.
Ang mga nasakdal ay sina Nestle Chairman at CEO John Martin Miller, Chief Financial Officer Peter Noszek, Business Executive Manager Shahab Bacani, Regional Sales Manager Jose Ceballos, Area Sales Manager Elisa Lupena at dating Chairman at CEO Noreswamy Nandkishore.
Sinabi ni First Assistant City Prosecutor Meynardo M. Bautista Jr. na may sapat na ebidensya upang dalhin ang kaso sa hukuman.
Ayon kay Bautista, may nagawang paglabag ang Nestle sa Article 186 ng Revised Penal Code na nagsisilbing batas ng Pilipinas hinggil sa isyu ng anti-trust practices. Ang nabanggit na artikulo ng Kodigo Penal ay nagtatakda ng sumusunod:
“Any person who shall enter into any contract or agreement or shall take part in any conspiracy or combination in the form of trust or otherwise, in restraint of trade or commerce to prevent by artificial means free competition in the market.”
Ang paglabag ay kaugnay sa mga ipinatutupad ng Nestle na mga limitasyon sa presyo ng mga produkto nito, sa mga gawaing pumipigil sa malayang kalakalan at nagbibigay-daan para mangibabaw ang monopolyo, kasama na ang kapangyarihang magtakda ng mga presyo at pigilan o harangan ang mga karibal sa negosyo sa isang partikular na lugar.
Lumabas sa imbestigasyon na may kasunduan ang Nestle at ang dalawang distributors kung saan itinakda ng NPI ang mga presyo na dapat sundin ng mga distributors. Inobliga ng NPI ang SEDI at FDI 2 na ibenta lamang ang mga produkto nito sa itinakdang mga presyo, kasabay ng bantang pawawalang-saysay ang distributorship agreement kapag ‘di sila sumunod.
Sinabi ni Bautista na ang ginawang ito ng NPI ay ilegal at isang paglabag sa Paragraph 1 ng Article 186 ng Revised Penal Code. Aniya, ilegal din ang nangyaring price fixing at walang sapat na katwiran upang maging lehitimo ang pagtatakda ng mga presyong nabanggit.
Ang kasunduan sa pagitan ng dalawang panig, ani Bautista, ay labag sa interes hindi lamang ng dalawang distributors kundi pati na ng mga consumers o mamimili. Wala rin aniyang benepisyong ekonomiko na matatamo rito.
Ayon kay Bautista, ang mga isinakdal, na mga responsableng opisyal ng Nestle Philippines, ay hayagang isinagawa ang krimen, o pinayagang mangyari ito, o nabigong pigilan ang nasabing krimen, kaya mayroon silang pananagutan dito.
Inirekomenda ni Bautista na ipaghaharap ng sakdal sa korte ang mga nabanggit na opisyal ng NPI bunsod ng reklamong inihain ng FDI Forefront II Trading Corporation. Ang rekomendasyong ito ay inaprubahan at sinang-ayunan ni City Prosecutor Donald T. Lee.
Matinding dagok sa Nestle Philippines ang naging pasiya ng Quezon City Prosecutor’s Office. Panay pa naman ang papogi ng Nestle sa telebisyon at sa mga pahayagan kaugnay ng katatapos pa lamang na selebrasyon ukol sa nakaraang 100th Anniversary nito sa Pilipinas. Parang binagyo ang parada ng Nestle.
Sa kabilang dako, pinawalang-saysay naman ang sakdal ng Service Edge Distributors, Inc. sa dahilang ang negosyo ng Service Edge ay sumasaklaw lamang sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela na pawang nasa labas ng Quezon City. Kaya walang hurisdiksyon ang Quezon City Prosecutors Office sa kaso.
Gayun pa man, napag-alaman na puwede pa ring magsampa ng demanda ang Service Edge sa piskalya ng alin sa mga lugar na sumasaklaw ng operasyon nito. Hindi pa ligtas ang mga nasabing opisyal ng Nestle sa demanda ng Service Edge kapag ito ay iharap ng distributor sa tamang korte.
* * *"
Ang paglabag ay kaugnay sa mga ipinatutupad ng Nestle na mga limitasyon sa presyo ng mga produkto nito, sa mga gawaing pumipigil sa malayang kalakalan at nagbibigay-daan para mangibabaw ang monopolyo, kasama na ang kapangyarihang magtakda ng mga presyo at pigilan o harangan ang mga karibal sa negosyo sa isang partikular na lugar.
ReplyDeleteladies black salwar kameez ,
simple black shalwar kameez for ladies ,